Linggo, Nobyembre 24, 2013
Overweight ka ba?
“Overweight ka ba?"
Alam niyo ba ang inyong tamang timbang? May taong mukhang payat, pero ang taba ay nasa bilbil. May taong mabilog ang mukha, pero payat naman. Kung gusto ninyo na malaman kung mataba kayo o hindi, heto ang lista ng tamang timbang batay sa edad, taas at kasarian.
Halimbawa, kung kayo ay lalaki na may taas na 5 feet at 5 inches, ang tamang timbang mo ay 136 pounds lamang. Kapag lumampas ka ng 10 pounds sa timbang na iyan ay tatawagin ka ng “overweight” ng iyong doktor. Ang ibig sabihin ay puwede kang magkasakit ng diabetes, arthritis at sa puso. Kung sobra ka sa timbang, may ilang tips dito para magpapayat:
1. Iwasan ang mga sitsirya (junk foods), soft drinks at juices.
2. Kumain nang dahan-dahan para maramdaman agad ang pagkabusog at paunti-unti ring bawasan ang dami ng kinakain.
3. Kapag sobra sa timbang, ang tamang pagbabawas ng timbang ay 1-2 kilo lamang bawat buwan at hindi hihigit pa rito. Ang mga pildoras na pampapayat (diet pills) ay pansamantala lamang ang epekto.
4. I-rekord at bantayan ang iyong timbang habang patuloy na minamanmanan ang iyong kinakain.
5. Pumili ng ehersisyong kinasisiyahang gawin at isagawa ito ng mga 30 minuto, tatlo hanggang limang beses kada linggo.
Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain
Magbawas sa Pag-inom ng Iced Tea at Soft Drinks.
Kung kayo po ay sobra sa timbang, may diabetes, may altapresyon o gusto lang maging malusog, sundin ninyo ang payo ko: Magbawas tayo sa Iced Tea, soft drinks at kung anu-ano pang matatamis na inumin. Malaki ang maibababa sa timbang ninyo.
Alam ba ninyo na ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kapag uminom kayo ng soft drinks, para ka na rin kumain ng 7 kutsaritang asukal! Ganoon din ang iced tea. Puro asukal din iyan kaya grabe ang tamis!
Ayon sa siyentipikong pagsusuri, ang pag-inom ng soft drinks ay puwedeng maging sanhi ng diabetes. Mabilis din itong makataba at magpalaki ng tiyan. Kahit “No-sugar” o “Lite” pa ang inyong inumin ay may peligro pa rin. Dahil ang diet soft drinks ay may halong phosphorous na nagtatanggal ng calcium sa ating katawan. Puwede kang magka-osteoporosis. Ang payo ko ay mag-tubig na lang!
Nakatataba ang Pineapple Juice at iba pa Kung kayo’y may katabaan, ang payo ko ay umiwas din sa mga fruit juices. Orange juice, pineapple juice at kung anu-ano pang juices. Mataas ito sa calories at asukal kahit sabihin mong “unsweetened” pa. Kapag uminom kayo ng maraming juices, baka kayo tumaba.
Hindi ko alam saan nanggaling ang paniniwala na maganda sa altapresyon ang pag-inom ng pineapple juice. Hindi po ito tunay. Gamot, diyeta at exercise lang ang magpapababa ng blood pressure.
Anong prutas ang puwede sa mga nagpapapayat? Mansanas, peras at konting saging lang ang puwede. Bawal na bawal ang mangga at ubas dahil sobra itong matamis. Kung gusto ng mangga, isang pisngi lang ang puwedeng kainin. Sa ubas ay 10 piraso lang ang pinakamadami.
Umiwas sa Coffee at Energy drinks
Walang gaanong benepisyo ang makukuha sa mga coffee drinks. Lalo na kung may halo pang whipped cream, chocolate, at full cream milk ang kape mo. Alam niyo ba na ang katumbas ng isang cappuccino with whipped cream ay 3 platong kanin na?
Masama din sa kalusugan ang mga energy drinks dahil mataas ito sa caffeine. Nakaka-addict ang caffeine at nakabibilis pa ng tibok ng puso. Kung ika’y may altapresyon, bawal ang energy drinks dahil puwedeng tumaas ang blood pressure mo. Kaya kaibigan, tubig lang ang dapat inumin. Papayat ka pa at makaiiwas ka pa sa maraming sakit!
One Egg A Day Lang Po!
Marami ang nagtatanong kung ilang itlog ang puwede nilang kainin?
May magandang balita at hindi magandang balita tungkol sa itlog. Ang itlog ay may protina, vitamin B12, vitamin D, riboflavin at folate. Mabuti ito sa katawan at masustansya. Ngunit sa kabilang banda ay may 213 milligrams ng kolesterol ang isang pula ng itlog. Mataas ito sa kolesterol dahil ang rekomendasyon ng American Heart Association ay huwag kumain ng lampas sa 300 milligrams ng kolesterol sa isang araw.
Sari-sari ang opinyon tungkol sa itlog. Ngunit ang sasabihin ko ngayon ay ang deklarasyon ng mga doktor ng American Heart Association at Philippine Heart Association. Heto ang payo namin:
1. Kung ika’y malusog, walang sakit sa puso, diabetes o problema sa kolesterol, puwede kang kumain ng 1 itlog sa isang araw. Mag-ingat lang sa mga kasamang pagkain ng itlog tulad ng hotdog, bacon at tocino. Piliin ang nilagang itlog kaysa sa pritong itlog.
2. Kung ika’y may sakit sa puso, diabetis o mataas ang kolesterol, kailangan limitahan mo ang pagkain ng itlog sa 3 itlog lang sa isang linggo. Kung gusto mo kumain ng itlog, mas maigi ang puti ng itlog na lang ang kainin at huwag na lang ang pula o egg yolk. Nasa egg yolk kasi ang kolesterol.
3. Eat eggs in moderation. Sa kahit anong bagay ay dapat hinay-hinay lang ang pagkain. Kapag sinobrahan mo ang isang bagay, puwede itong makasama sa iyo.
Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain
Para sa akin, hindi ko mapapayo ang pagkain ng lampas sa 1 itlog sa isang araw. Kailangan ay balanse ang ating diyeta. Kumain ng gulay, prutas at isda.
Masustansya ang gulay tulad ng kangkong, malunggay, carrots at kalabasa. Sa prutas, sagana sa bitamina ang saging, suha at mansanas. Sa isda naman, mabuti sa katawan ang sardinas, tilapia at bangus belly. Good luck po!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
post your message