Linggo, Nobyembre 24, 2013

Ano ba ang tamang pagkain?



Ang Pinaka Masustansyang Pagkaing Pinoy

Alam mo ba ang mga pinakamasustansyang pagkain para sa ating kalusugan? Ano ba ang pinaka-healthy na pagkaing ginawa ng Diyos para sa tao? Hindi ko na kayo papasabikin, heto ang aking listahan:

1. Ma-berdeng mga gulay – Ang gulay tulad ng repolyo, pechay, kangkong, broccoli, spinach at iba pang mga talbos ay napakahalaga sa katawan. Sagana ito sa bitamina, minerals at iba pang healthy na kemikal. Kapag mahilig ka sa gulay, sa tingin ko ay puwede ka nang hindi mag-vitamins. Ang gulay ay mabuti rin sa maraming sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, sakit sa tiyan, colon cancer at iba pang kanser.

2. Matatabang isda – Ang mga oily na isda tulad ng sardinas, tilapia, tuna at mackerel ay may Omega-3. Ang Omega-3 ay nag-aalaga ng puso, tumutulong sa pag-iwas sa atake sa puso at istrok, at nagpapababa ng kolesterol sa katawan. Ang problema lang ay mahal ang mga isda na ito. Ayon sa pagsusuri, ang Omega-3 supplements ay punong-puno ng healthy na Omega-3.

3. Kamatis – Ang kamatis ay mataas sa lycopene na tinatawag na anti-oxidants. Pang-alis ito ng dumi sa ating mga selula. Ang ketchup at tomato sauce na galing sa kamatis ay mainam din. Ang kamatis ay makatutulong din sa pag-iwas sa mga kanser.

4. Citrus fruits tulad ng calamansi, suha at dalandan – Masustansya ang mga prutas na ito dahil may Vitamin C. Ang Vitamin C ay panlaban sa mga sakit tulad ng sipon, hika, at arthritis.

5. Carrots – May pagsusuri ang nagsasabi na ang carrots ay panlaban sa kanser.
Ito ay may Vitamin A na mabuti sa ating mga mata. Isa pa, nakakapayat ang carrots dahil 35 calories lang ang kalahating tasa nito. Kaya turuan natin ang ating mga anak na kumain ng carrots.

6. Saging – Ang saging ang pinakamasustansyang prutas para sa akin. Puwede ito gawing lunas laban sa ulcer at pangangasim ng sikmura. Ito’y dahil natatapalan ng saging ang mga sugat sa tiyan. Ang saging ay lunas din sa mga nanghihina at may cramps dahil mayaman ito sa potassium. Kung lagi kayong pawisin at gusto niyong lumakas, mag-saging ka. Nakita niyo na ba si Roger Federer, ang tanyag na tennis player? Kumakain siya ng saging sa gitna ng kanyang laban. Kailangan ni Federer ng lakas at sigla, at saging ang sagot.

7. Gatas, keso at yoghurt – Ang mga produkto ng gatas tulad ng mga nabanggit ay matatawag nating “complete foods.” Ito’y dahil ang gatas ay may protina, may carbohydrates at may taba din. May calcium pa para sa kababaihan. Nakita niyo ba ang laki at lakas ng mga Americano? Ginagawa kasi nilang tubig ang pag-inom ng gatas. Sa mga gustong magpapayat, low-fat milk ang inumin.

8. Bawang – Ang bawang ay makatutulong sa pagpapababa ng kolesterol. Mag-ingat lang sa pagkain nito dahil puwedeng humapdi ang iyong tiyan.

9. Mansanas – “An apple a day, keeps the doctor away.” Tunay po iyang kasabihan. May taglay na pectin ang apple na nag-aalis ng dumi sa katawan. Nakakabusog pa ito at puwede sa mga nag-di-diyeta.

10. Tubig – Kasali ang tubig sa ating listahan dahil marami sa ating Pinoy ang kulang sa pag-inom ng tubig. Lalu na ngayong tag-init, kailangang uminom ng 8-12 basong tubig. Makatutulong ito sa pag-iwas sa impeksiyon sa ihi, panlinis ng katawan, pagbawas ng acid sa tiyan at pampaganda rin ng ating kutis. Siguraduhin lang na malinis ang tubig na iniinom para hindi magka-typhoid o cholera. Bumili ng purified water o pakuluan ng 5 minuto ang tubig.

Mayroon pang 10 pagkain sa aking listahan: (11) Ampalaya para sa diabetes; (12) monggo na mataas sa protina at mura pa; (13) luya tulad ng salabat para sa boses at pagsusuka; (14) oat meal para bumaba ang kolesterol; (15) kamote dahil sa taglay na Vitamin A; (16) wheat bread dahil mataas ito sa fiber; (17) taho at tofu; (18) tsa-a tulad ng green tea; (19) buko at buko juice para sa kidneys; at (20) mani para tumalino. Sana po ay matago niyo ang listahang ito at maipamahagi sa iyong mga kaibigan.

Mga “Not-so-healthy” Foods Na Hilig Ng Pinoy

Alam mo naman tayong mga Pinoy, hilig natin ang mga pagkaing hindi healthy sa ating katawan. Ano ba ang mga ito? Mag-umpisa tayo sa numero 10 papunta sa numero 1, ang pinakamasama sa lahat.

10. Soft drinks – Naku, guilty ka diyan, ‘di ba? Ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kaya grabe ang tamis. Nakatataba at masama ito sa mga may diabetes. Mag-ingat din sa diet soft drinks, dahil may halo itong phosphorous. Ang phosphorous ay nagtatanggal ng calcium sa ating katawan at puwedeng maging dahilan ng osteoporosis. Kaibigan, mag-tubig ka na lang!

9. French fries – Mataba at mamantika ang French fries. Ito ang sinisisi ng maraming eksperto kung bakit dumarami ang taong matataba, may sakit sa puso at mataas ang kolesterol.

8. Matatabang sarsa tulad ng gravy, mayonnaise at butter. Tadtad iyan ng calories. Mas mainam pa ang suka, calamansi o hot sauce bilang sawsawan.

7. Alak – May mga pasyente ang nagsasabi na ang red wine ay mabuti sa puso. Kapag tinanong ko kung gaano karami ang iniinom, ang sagot ay, “Doc, minsan, nauubos ko ang isang bote.” Masama po ang alak sa ating kalusugan. Masisira ang ating atay, ugat at utak. Nakapagdudulot din ito ng maraming kanser.

6. Junk food – Nakaka-addict ang mga sitsirya at chips. Ito’y dahil may halong vetsin at asin. Wala po itong silbi sa katawan kaya turuan natin ang ating mga anak na iwasan ito.

5. Medyo hilaw na karne – Sari-saring bulate ang nakatago sa mga hilaw na laman, tulad ng kilawin na isda o karneng may dugo pa. Siguraduhin lutong-luto ang inyong kinakain. Hindi sapat ang pagsawsaw sa suka o calamansi para mapatay ang mga bulate at mikrobyo.

4. Street food – Ayon sa pagsusuri, 70% ng mga Pinoy ay may bulate sa tiyan. Kapag ang mga street vendors ay hindi naghuhugas ng kamay, puwedeng mailipat ang bulate sa ating pagkain. Mahirap masiguro ang kalinisan ng mga fish ball, queck-queck at iba pa. Huwag makipagsapalaran.

3. Laman loob – Ewan ko ba kung bakit nahiligan ng mga Pinoy ang pagkain ng utak, puso, bato at bituka. Sobrang taas iyan sa uric acid at kolesterol. May mga eksperto ang nagsasabi na puwedeng magdulot din iyan ng kanser.

2. Chicharon at chicharon bulaklak – Sabi ng kaibigan ko, “Balat lang naman ang gusto ko at hindi naman taba.” “Eh saan ba nagtatago ang taba,” ang sagot ko. “Sinawsaw ko naman sa suka,” hirit pa niya. Kaibigan, taba pa rin iyan. Mag-popcorn ka na lang.

1. Lechon – Ang paborito ng lahat kainin ay ang lechon, crispy pata at pata tim. Ang taba ng baboy ang sadyang nakapagpapabara ng ugat sa puso at utak. Ang resulta? Istrok at atake sa puso. Kaibigan, patikim-tikim na lang.

Gulay at isda lang talaga ang masustansya para sa inyo. Sorry po kung nasaktan



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

post your message